Drafts
Dahil nawala yata ang aking inspirasyong magsulat ng walang kakuwenta-kuwentang bagay gamit ang mga walang kuwentang prose at salita, ipo-post ko na lang yung mga draft at simula ng entry ko na hindi ko na tinuloy.
Draft 1:
Simula nang painumin ako ng tsaa ng aking nanay feeling ko na lagi akong natatae. (teka. umuusbong na naman ang pakiramdam)
Draft 2:
Alam ko na, handang-handa na ako para sa 2010 elections.
President: Barack Obama (Please?)
Vice-President: Totoy “Bato” Enriquez
Senators:
1.) Judy-Ann “Ploning” Santos
2.) Pokwang
3.) Diether Ocampo
4.) Marky Cielo
5.)
Draft 3:
Ito ang kuwento kung paano gumising si Miguel at muling umibig.
Gabi. Ang lahat ay tahimik. Tahimik ang lahat. Ang lahat, tahimik ay. Ay! Ang tahimik, lahat. Lahat! Tahimik ang ay.
Tahimik ang lahat.
Nakahiga lang ako sa aking kama. Kama na nasa loob ng kuwarto. Kuwarto na nasa loob ng bahay. Bahay na nasa loob ng Quezon City. Siyudad na nasa loob ng isang rehiyon. Rehiyon na nasa loob ng isang bansa. Bansang nasa loob ng isang subcontinent. Isang subcontinent na nasa loob ng isang continent. Isang continent na nasa loob ng isang planeta. Isang planeta na nasa loob ng kuwarto ko.
Draft 4:
Ayokong maging sosyal.
Nagpapasalamat na lang ako at hindi ako sa ibang vagina inuluwal, kundi sa nanay ko lang. Nagpapasalamat ako at sa bahay, pamilya, kaibigan, eskuwelahan at buhay na ito ako nailuwal ng vagina ng aking nanay. Buti na lang, buti na lang.
Sa tuwing nakakakita kasi ako ng mga taong sosyal, o yung mga taon walang ginawa kundi mag-excel sa lahat at mag-party pagdating ng gabi, hindi ko maiwasan ang magtanong na “Ano naman?” Tawagin niyo na akong introvert, anti-social, jologs o baduy. Hindi ko kailanman ma-gets ang mundo ng clubbing, bar-hopping, tugstugs tugs tugs at kung anu-ano pa.
Masyado yatang maaga ako na-politicize, o masyadong maaga lang akong masyadong naging boring. Mas gugustuhin ko kasi (at ng ilan sa barkada ko) ang isang tahimik na gabi na magkakasama, pero puno pa rin ng katatawanan at kuwentuhang masaya. Buti pa yun, libre at hindi nakukuha kahit saan.
Hindi ko lang kasi makita ang point ng pag-inom ng mga alak na iba-iba ang lasa pero iisa lang kahahantungan (ang pagkalasing), hindi ko maintindihan kung bakit kailan pang sumambulat sa isang dance floor at gumalaw nang parang ang dami-dami mong pera, hindi ko ma-gets kung ano ang masaya doon.
Nakatutuwang isulat ang entry na ito dahil ito na ang aking tiket para hindi ma-imbita sa kahit na anong party kailanman.
Kasi, tulad nga ng kuwento ko dati, kung inimbita ako sa isang party, mas pipiliin ko na lang na ako yung tao sa isang sulok na tahimik na umiinom, matinong kausapin pero nandoon lang sa isang tabi, naka-upo, kinakausap yung bartender. Ako lang yun, yung malungkoy na lalakeng naka-trenchcoat sa isang tabi. Doon lang.
Draft 5:
Sumikat na ang araw. Tumilaok na ang mga manok. Nagwalis na ang mga tao sa labas. Tulog pa rin ako.
Ano nga ba ang meron sa araw? Hindi ba’t isa lang itong parte ng araw. Araw na gusto ko rin lang namang matapos. Araw na tiyak, 365 days from now, malilimutan ko rin.
Pero parang iba yata ang araw na ito, nag-iba ang aking routine, sumabog ang aking nakasanayan na at nagulo ang aking isip.
Ito ang storya kung paano biglaang umibig si Miguel, nang gumising siya.
Naalala ko pa ang nakaraang gabi, naghahanap ako ng mga pamilyar na pangalan sa Facebook, sa Friendster at Multiply, mga pangalang alam ko ang first name at minsa’y nakalilimutan pa pero yung mga last name, mga pangalang naghihiwalay sa kanila sa ibang tao at ibang pangalan, hindi ko na inaalam. Pero kakaiba kasi ang taong hinahanap ko. Isang beses ko pa lang siya nakakasama, sa isang kupunan ng mga nagsusulat,
Draft 6:
Seryosohan muna.
Mula time immemorial ay gusto na nating umibig. Kahit na honor student ka na alagang-alaga ng magulang mo, datating ang panahon na mabibiktima ka rin, katulad naming lahat. Kahit na masungit ka o wala kang social life, darating pa rin ang araw na may makikita kang isang taong mamahalin mo, mahalin ka man rin niya o hindi.
Nakapagtataka, na kahit sino, gaano
Draft 7:
Hindi ko na maalala kung ano nga ba ang pakiramdam kapag umiibig. Matagal-tagal ko na rin kasing hindi nararamdaman ang ngayo’y banyaga nang salita.
Pero paminsan-minsan, tumatambad pa rin ang sudden rush of feeling, guilt and lust. Hindi yung lust na gusto mong laspagin ang isang tao, kudi yung lust na parang gusto mo lang tumambad ng isang tao softly.
Kamakailan kasi, nakasalubong ko yung pangalawang crush ng buhay ko, sa may isang bulwagan sa amin. Matagal na akong na-amaze sa kanyang itsura, na di naman nalalayo sa una kong crush (mga bandang second year high school pa yata yun).
Ayan.
So nakita niyo na ang simula ng aking writing process. Sana naman at may matapos na ako next time.
Hanggang sa muli paalam!